Monday, October 25, 2010

TIGIL -PUTUKAN





TIGIL-PUTUKAN

Mula sa bintana ako'y nag-aabang
Ang bawat pilapil sinusuyod-tanaw
Aninong pamilyar sa bawat mong hakbang
Ng pagod na paa at hapong katawan.

Ikaw ay gusto kong agad  salubungin
Sa minsan sa santaon mong pagdating
Nais kong ikaw  agad yakapi’t damhin
Ang init ng ‘yong pangungulilang-kimkim.

Gusto kong marinig sa muling pag -awit
Sa himig ng kwerdas, ng paos mong tinig
Awit ng oyayi  sa aking pag-idlip
Sa kandungan mo noon ako’y paslit.

Sabik din akong, saiyo’y isalaysay,
Medalyang ginto ng aking karangalan
Aking natanggap sa anim na baitang
Dakilang araw kong di mo nasaksihan

Sa pagtunog ng batingaw ng hatinggabi
Sa hapag-kainan, sana tayo’y tabi
Pagsasaluhan natin sa Medya Noche
Ang nilaga kong saging , mais at kamote.

At sa likod bawat ng buntong –hininga
Aking naaninag  ang pagod ni Ama
Sa mahabang taon n’yang pakikidigma
Sa di ko maunawang paniniwala.

ahil din marahil, sa mura  ko  isip
Lupit ng lipunan ay di ko pa batid
Ang tanging hangad ko’y tunay mong pagbalik
Makapiling ka at buhay na tahimik.

At bukas kasabay ng bukang-liwayway
Baon mo dasal ko saiyong paglisan
Panibagong simula  ng  paghihintay
Pag-asang pangako ng tigil-putukan.

                                                     Ikstot

SHADOW AND SILHOUTTE