Showing posts with label MGA TULA AT POEMS. Show all posts
Showing posts with label MGA TULA AT POEMS. Show all posts

Saturday, March 20, 2010

BILANGUAN


Matataas na bakod
Ang nakapalibot

Barbed wire na matutulis
Sa ibabaw nakakabit


Nag-gagala si Bantay
Pangil handang sumakmal


Tarangkahan ay sarado
Nakasabit malaking kandado


Pintuang lagusan
Matatag, matibay


Mga rehas na yari sa bakal
Sa bawat bintana'y nakalagay


Sa loob ng bahay, 
Tahimik na naninirahan


Habang sa labas
Umaali-aligid si Barabas!

ikstot
m-191007


Saturday, February 27, 2010

TULA NG MAKATA


Namutawi sa pluma
Ang tilamsik ng tinta

Sa papel na parihaba
Pumatak ang dalisay na luha

Pumahimpapawid ang bagwis
Ng damdaming nakapiit.

Ang isipa'y naglakbay
Sa laot ng walang hanggan

Sa bumukal ang diwa
Ng ginintuang kataga

Sa pangusap ng taludtod
Sa damdami'y nanunuot...
Sa puso'y humahaplos...

                                     ikstot
                                      26 aug 08

                                 *dedicated to Mrs. L. Frayna
                                    Ret. Filipino Teacher, BUCES
                                    Former Adviser, "The Current"






 

Sunday, February 21, 2010

GURO

" Mapapalad ang mga teachers, kasi ang room nila ay class"

Mistulang 'sang tanglaw, bituin sa langit
Sinundan ng mago, no'ng gabing tahimik
Bundok ng tagumpay, mahirap, matarik
Sa wasto kong gabay, ito'y napapanhik

Mga bobo't mangmang, ginawa kong pantas
Hiwaga ng agham ay aking tinuklas
Aking sinaliksik ang aral ng lumipas
At karununga'y aking pinalaganap

Butil ng aking pawis ang kaunlaran
Lasangan at tulay na yai sa bakal
Pagsisid sa dagat, pagpanhik sa buwan
Pagnaog sa lupa... gintong natuklasan!

Pinagyaman ko ang gintong pamana
Ng kasaysayan sa bawat pahina
Ang mayamang nating tradisyo't kultura
Sandaigdiga'y aking pinakilala

At aking hinubog ang talinong-angkin
Sa larangan ng pag-awit at likhang-sining
Pinaghusay ko ang mga tinig-anghel
Paglilok ng marmol, paghawak ng pinsel

Ako'y guro-alagad ng edukasyon
Katabi'y pisara sa buong maghapon
Tinuring na bayani ng lantang dahon
Ngunit sa puso'y inukit ng panahon.


             dedicated to Ms. Fe F. Galpo 
                (Aug. 1, 1930- Jan. 21, 2010)
                          -my Grade 2 teacher, Kab Scout Master and Mother
            

Friday, February 19, 2010

DYIPNEY

Lata’t yero
Pinagtapal-tapal
Pinagdugtong-dugtong
Asero’t bakal

Recap ang gulong
Surplus ng bansang Hapon

Nalikha’y sasakyang
Pinarurot sa daan

Kinabit
Sari-saring palamuti
Dinikit
Sticker na nakakakiliti.

Tinatawid
Kalsadang lubak-lubak
Ga-tuhod na baha
Tinatahak.


Konting barya
Sa tapat na kamay
Nagpapasa-pasa!

Pampara minsan
Katok sa bubong
Pwede rin
Sitsit at sipol


Upuang pituhan
Sa konting ipit

Nagkakasya
Ang walong pwet.

Sasakyang
Likha sa basura.
Sasakyan
Ng masa.

               ikstot


Monday, January 25, 2010

BAYANI

Pinapawi ng pawis
Ang dantay ng nagbabagang silahis

Buntong-hininga ang tanging tugon
Ng bawat hiyaw ng deskriminasyon




















Inaaliw ng malayong tanaw
Ang pangungulila ng lungkot at lumbay

Sa dingding, tanging larawan
Ang bantayog ng tahanan

Ang papuri ng politikong gurang
Dolyares ka ng Silangan!


                       ikstot
                           03 jan 2007

Sunday, January 24, 2010

WAITING SHED


Yari sa marupok na kongkreto
Saka manipis na yero

Balot sa ganda
Ng makintab na pintura.


Pangala'y nakatiktik
Sa dingding nakaukit

Huwad na ngiti
Ang larawang bumabati


Bantayog ba sa tapat
Ng kalsadang lubak-lubak?

O gusaling itinayo
Sa paghintay ng pangako!

                 ikstot
                05 march 09

Saturday, December 12, 2009

KAPE

"Coffee has two virtues. It is wet and it is warm."
                                              -Old Dutch saying


 


Pag-gising sa umaga
Lagi kitang kasama


Ang linamnam ng 'yong tamis at pait
Pumupukaw ng aking pagkakaidlip

Sa buong araw
Ikaw ang aking karamay

Sa samyo ng iyong aroma

Humahaplos sa isipang abala.


Pag sapit ng gabi
Ikaw malimit kong katabi

Sa taglay mong init
Napapawi ang magdamag na lamig.

Ngunit, ang tangi kong pangamba

 Ako'y naging nerbyoso ng lagi kitang kasama!

ikstot

Biktima

Nakakubli sa pilit na ngiti
Ng mga matang kimi

Ng hubong anino
Sa ibabaw ng entablado

Saksi ang mga anak ni Adan
Ng indayog ng murang katawan

Sa saliw ng kislap
Ng musikang umiindak

Apo ni Eba, biktima ka marahil
Sa pagsubok ng dilim

Ng pangarap na matayog
Sa balatkayo ng lungsod

At kami’y, ang biktima rin
Ng bayarang aliw?


                  ikstot
                       *the original transcript was written on a piece of disposable table napkin @ Top Ten Bar.

Tuesday, December 8, 2009

PURUROT...

Pabulong na lumagitnit
Ang laman sa pagkakapinid.

Sa maliit na siwang tumagos Bold
Ang nagbabantang sama ng loob.

Napangiti ng lihim
Ang may-ari ng layang hangin.

Habang ang ilong pilit kinukubli
Ng pobreng mga nakasaksi.


                                 ikstot
                               22 sept 08

SERBESA

http://www.youtube.com/watch?v=J-PnNCgP1BQ 
Sa ibabaw ng lamesa
Mga boteng nakahilera

Ang bawat basyo
Pinagmamalaking tropeo

‘Sang platitong pulutan
Saksi sa katuwaan.

Sa kalabit ng bunging hibla
Ng lumang gitara.

Sumisingaw ang himig
Sa lasing na gilagid

Sa lagok ng pait at linamnam
Ng bawat serbesang pawisan.

Haplus-haplosin, tatapik-tapikin
Ang umuumbok na bilbil…


                    
ikstot

TABLIOD



Nagnanasa ang isip
Sa malisyang payo ni Xerex.

Bumabangon ang kamunduhan
Sa kahubaran ni Osang

Ang libido’y umaalsa
Sa bawat yugto ng nobelang- Totoy Mola

Habang sa front page binabalita
Mga panghahalay at pang-gagahasa

Ni Tyong kay Ineng

Kahit bungal na si Lola
Dinali pa ni Kuya.

Si Bunso di pa tuli
Si pinsan-niyari

Si Lolo walang patawad
Pati si Junior pinatuwad!!!???


ikstot